Patay ang isang 16-anyos na binatilyo na nagmula pa sa Las Piñas matapos tambangan at pagbabarilin ng tatlong lalaki, kamakalawa ng gabi sa Barangay San Nicolas, Bacoor City sa Cavite.

Kinilala lang ng pulisya ang biktima sa alyas na “Natan”, residente ng Bignay Street, Brgy. Talon 5, Las Piñas City.

Tumakas naman ang tatlong salarin matapos ang pamamaril na kinilala sa mga alyas na Inat, Oseng at Dodong, pawang nasa hustong gulang at mga residente ng San Nicolas 3 extension, Bacoor City.

Sa ulat ng pulisya, naglalakad ang biktima sa Bignay Street Extension nang tambangan ng mga suspek at pagbabarilin.

Inaalam pa rin ng pulisya kung bakit nasa lugar ang biktima na sa Las Piñas naman nakatira .

Wala pang motibo ang pulisya sa insidente at patuloy ang pagtugis sa tumakas na mga suspek. (Source: Pilipino Star Ngayon, Cristina Timbang, June 30, 2025)