Nadeklarang wala ng presensya ng Abu Sayyaf terror group sa Basilan sa isang makulay na seremonya sa probinsya nitong Lunes, June 9, 2025, na dinaluhan ng dalawang mga representatibo ng Malacañang.
Iniulat nitong Martes ni Lt. Gen. Antonio Nafarrete, commander ng Western Mindanao Command, na lubusan ng Abu Sayyaf-free ang Basilan bilang resulta ng mga magkatuwang na security programs ng mga residente nito, mga local executives sa pangunguna ni Gov. Hadjiman Salliman, ng Basilan Provincial Police Office, ni Brig. Gen. Alvin Luzon na commander ng 101st Infantry Brigade at ni Basilan Congressman Mujiv Hataman.
Dumalo sa programang kaugnay ng pagproklama sa Basilan na wala ng ni isa mang Abu Sayyaf terrorist nitong Lunes ang mga kinatawan ng ibat-ibang mga ahensya ng pamahalaan, mga local government officials sa probinsya, sina Presidential Adviser on Peace Reconciliation and Unity Carlito Galvez, Jr. at si Special Assistant to the President Antonio Ernesto Lagdameo, Jr.
Ayon kay Salliman, hindi nila ganap na magagapi ang Abu Sayyaf sa Basilan kung hindi sa pagtutulungan, laban sa naturang teroristang grupo, ng mga local government executives at mga opisyal ng ibat-ibang Army at police units sa probinsya, ng mga Muslim at Christian religious leaders, ng Moro National Liberation Front at ng Moro Islamic Liberation Front na may mga hiwalay na peace agreements sa Malacañang.
Tampok sa naturang okasyon, ginanap sa provincial capitol ng Basilan sa Santa Clara sa Lamitan City, ang pagsira, gamit ang isang pison, ng daan-daang mga combat rifles na isinuko ng mga Abu Sayaff terrorists na nagbalik loob sa pamahalaan nitong nakalipas na mga taon.
Marami sa naturang mga baril ay boluntaryong ipinakustodiya ng mga residente ng probinsya sa 101st Infantry Brigade bilang tugon sa Small Arms and Light Weapons Management Program ng Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity at ng WestMinCom, isang regional disarmament campaign bilang suporta para sa Mindanao peace process ng Malacañang.
Isa pang aktibidad na kaugnay ng kaganapan nitong Lunes na magkatuwang na pinangunahan ni Salliman, Lagdameo at Galvez, ay ang ang paglunsad ng isang Pillar of Peace statue sa loob ng Basilan governor’s office na simbolo ng pagkakagapi na ng lubusan ng mga local communities, ng militar at pulisya ng Abu Sayyaf terror group sa probinsya. (JUNE 10, 2025)