
Naglunsad ng isang tree planting activity nitong Sabado, November 9, 2024, ang barangay government ng Batiocan sa Libungan sa probinsya ng Cotabato bilang proteksyon sa kapiligiran at mga tabing ilog sa naturang barangay.
Pinangunahan ni Batiocan Barangay Chairman Elmer Yap ang naturang aktibidad na suportado ng mga residenteng kanyang sakop at ng Provincial Environment and Natural Resources Office (PENRO) ng Department of Environment and Natural Resources-12.
Ang PENRO ang siyang namigay sa kanila ng 2,000 seedlings ng Bayok na ang scientific name ay Pterospermum diversifolium, isang uri ng fast-growing three na may medicinal value din, ayon sa mga dalubhasa.
Pinasalamatan ng mga residente ng Barangay Batiocan at ng kanilang mga barangay officials si Provincial Environment Officer Radzak Sinarimbo sa suporta ng kanyang tanggapan sa naturang proyekto.
Itinanim ng mga barangay officials at mga residente ng Batiocan ang Bayok seedlings na mula sa PENRO sa mga bakanteng lote at mga gilid ng mga ilog.
Ayon sa mga barangay officials ng Batiocan, ang naturang inisyatibo ay suporta sa environment-protection program ng kanilang municipal government at kaugnay din ng Enhanced National Greening Program ng national government. (November 10, 2024)