Patay agad ang isang tserman ng barangay matapos pagbabarilin sa loob ng kanilang meat shop ng riding-in-tandem suspects sa Barangay San Juan, Pili, Camarines Sur nitong Huwebes.
Duguan at pataob na bumagsak ang duguang biktima na kinilalang si Nerio Brazal, nasa hustong gulang, residente at barangay kapitan ng naturang lugar.
Tinutugis na ng mga pulis ang dalawang hindi nakilalang salarin na tumakas gamit ang motorsiklo patungo sa hindi malamang direksyon.
Sa ulat, naka-upo sa loob ng kanilang meat shop ang biktima nang dumating ang dalawang suspek na lulan ng hindi naplakahang motorsiklo at parehong nakasuot ng bonnet.
Walang kaabog-abog na pinagbabaril ang barangay chairman na agarang nasawi.
Ilang basyo ng bala mula sa hindi malamang kalibre ng baril ang natagpuan ng mga rumespondeng pulis habang patuloy ang ginagawang imbestigasyon upang matukoy ang pagkakakilanlan ng gunmen at motibo sa pamamaslang.
Hustisya ang sigaw ng pamilya at mga kabarangay na pawang nagsabi na walang kaaway at mabait ang naturang opisyal. (Source: Pilipino Star Ngayon, Jorge Hallare, June 7, 2025)
