CAMP SIONGCO, Maguindanao del Norte (November 11, 2025) — Magtutulungan ang bagong talagang commander ng 6th Infantry Division, mga local government units, mga Bangsamoro regional officials at ang dalawang dating mga Moro rebel fronts sa pagpapatupad sa Central Mindanao ng mga programang kaugnay ng Mindanao peace process ng Malacañang.
Ang dalawang dating mga rebeldeng grupo — ang Moro National Liberation Front at ang Moro Islamic Liberation Front — ay may mga hiwalay na peace agreements sa pamahalaan at parehong may mga representatibo sa 80-member parliament ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Sa pahayag nitong Martes, November 11, ng chief ng Philippine Army, si Lt. Gen. Antonio Nafarrete, matapos ang kanyang personal na pagtalaga sa bagong commander ng 6th Infantry Division, si Major Gen. Jose Vladimir Cagara, sa isang traditional change of command ceremony sa Camp Siongco sa Barangay Awang sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte, mas palalawigin pa ng division ang mga inter-agency at multi-sector peace initiatives nito sa pamumuno ng bagong talagang commander nito.
Ang change of command ceremony sa Camp Siongco ay dinaluhan ng mga local executives mula sa mga probinsyang sakop ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao at ng mga kinatawan ng BARMM government.
Pinalitan ni Cagara si Major Gen. Donald Gumiran na unang naitalagang commander ng Western Mindanao Command, na sakop ang Region 9, Region 12 at ang BARMM, dalawang linggo bago ang ginawang paghalili sa kanya Cagara nitong Martes.
Sa mga hiwalay na pahayag ni Nafarrete at Gumiran, ipagpapatuloy ni Cagara, bilang bagong 6th ID commander, ang mga multi-sector peacebuilding programs ng 6th ID na umaalalay sa mga peace and security activities ng mga LGUs sa mga probinsya at lungsod sa Central Mindanao at pagpapabuti sa kalagayan ng mahigit 1,000 na mga dating miyembro ng nabuwag ng mga teroristang grupo ng Dawlah Islamiya at ng Bangsamoro Islamic Liberation na sumuko sa pamahalaan na nitong nakalipas na tatlong taon.
Magkahiwalay na nangako ng suporta sa mga community service at peacebuilding programs ng 6th ID, ngayon nasa pamumuno na ni Cagara, ang dalawang provincial governors na dumalo sa change of command ceremony sa Camp Siongco, si Tucao Mastura ng Maguindanao del Norte, si Ali Midtimbang ng Maguindanao del Sur at si Bangsamoro Chief Minister Abdulrauf Macacua.
Agad silang pinasalamatan ni Cagara pati na ang liderato ng Moro Islamic Liberation Front, kung saan isang ranking official si Macacua, at ang Moro National Liberation Front, na ang central committee chairman ay si BARMM Labor Minister Muslimin Sema, na nagpaabot na, sa pamamagitan ng mga emisaryo, ng kahandaang tumulong sa firearms reduction campaign at mga regional reconciliation programs ng 6th ID para sa mga nalalabi pang ilang mga miyembro ng nagapi ng Dawlah Islamiya at BIFF at ng New People’s Army.
Makikita sa larawan sina Gumiran at Cagara, si Macacua at ang undersecretary sa Office of the Presidential Adviser on Peace Reconciliation and Unity na si David Diciano.