Pagluluksa ang naging pagsalubong sa Balik Eskwela 2025 matapos na malunod ang isang nene na incoming Grade 5 student sa isang sapa sa araw mismo ng page-enroll nito sa Brgy. Basak, Mandaue City, Cebu, ayon sa ulat kahapon.

Kinilala ang biktima na si Erica Cabatingan, 11-anyos na natagpuan ang bangkay nitong Martes ng umaga matapos na mabigong makauwi noong Lunes ng gabi.

Ang biktima ay umalis noong Lunes ng umaga sa kanilang bahay para magpa-enroll pero gabi na ay hindi pa nakauwi kaya hinahanap ng kaniyang inang si Ruby Rose na nag-post pa sa social media kinagabihan.

Nabatid na naghihinala ang ina ng biktima na baka inatake ito ng sakit na epilepsy lalo na at wala itong kasama nang umalis sa kanilang tahanan.

Samantala, nadiskubre ang pagkamatay ng biktima matapos na lumutang ang bangkay nito sa sapa.

Ayon sa teorya ng pulisya, posibleng nahulog sa sapa ang biktima habang tumatawid sa tulay.

Inirekomenda naman ng mga awtoridad na isailalim sa awtopsiya ang bangkay ng biktima upang mabatid ang ikinamatay nito. (Pilipino Star Ngayon, June 12, 2025, Joy Cantos)