Isang 32-anyos na babae ang agad na inaresto ng mga pulis matapos silang bentahan ng P2.2 million na halaga ng shabu sa isang entrapment operation sa bayan ng Buldon sa Maguindanao del Norte nitong umaga ng Biyernes, June 13, 2025.
Naka-detine na sa Buldon Municipal Police Station ang suspect, si Saima Guialoden Mundas, nahaharap na sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Nagtulungan sa naturang matagumpay na entrapment operation ang Buldon police force, pinamumunuan ni Lt. Joselito Radam, ang Regional Drug Enforcement Unit at ng 14th Regional Mobile Force Battalion ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region.
Sa ulat nitong Biyernes ni Police Brig. Gen. Romeo Juan Macapaz, director ng PRO-BAR, naikasa ang naturang anti-narcotics operation sa tulong ng mga local officials sa Buldon at mga impormanteng alam ang malakihang pagbebenta ng shabu ng naka-detine ng si Mundas at ilang mga kasabwat na mga residente din ng Buldon at ilang mga bayan sa Maguindanao del Norte.
Ayon kay Radam, hindi na pumalag ang suspect, kusang loob ng nagpaaresto ng malamang mga pulis ang kanyang nabentahan ng shabu isang lugar sa sentro ng Buldon, isa sa 12 na mga bayan na sakop ng Maguindanao del Norte. (June 14, 2025)
