Isang dalagita ang pumanaw habang na-ospital naman ang kanyang mga magulang ng atakihin ng mga bubuyog na nabulabog sa kanilang sakahan sa Barangay Fatima sa New Bataan, Davao de Oro umaga kamakalawa.
Kinilala nitong Miyerkules ng mga local leaders at ng mga kawani ng New Bataan Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office ang nasawi na isang Monica Cañas, residente ng Barangay Fatima.
Ayon sa mga opisyal ng New Bataan Municipal Police Station, namumutol ng mga matataas na damo ang ama ni Cañas na si Emmanuel sa kanilang sakahan ng biglang nakarinig ng ugong at nakita ang malawak na kumpol ng lumilipad na mga bubuyog, o honey bees, na agad silang pinutakte ng kanyang mag-ina.
Sa ulat ng mga barangay officials, ang menor-de-edad na si Cañas ay isang special child, o may kapansanan, kaya isinasama-sama ng mga magulang sa kanilang maliit na farm sa isang lugar sa Barangay Fatima sa naturang bayan.
Isinugod ng mga barangay officials sa isang hospital ang mag-anak ngunit pumanaw din ito kalaunan sanhi ng napakaraming kagat ng mga bubuyog.
Nangako naman ng tulong ang mga local officials sa New Bataan sa pagpapalibing sa nasawi sa naturang kakaiba at hindi pangkaraniwang insidente. (June 4, 2025, handout photos)
