Muling tiniyak ng reelected governor ng Cotabato province, si Emmylou Taliño-Mendoza, nitong Biyernes, June 6, 2025, araw ng paggunita ng kanyang mga Muslim constituents ng Eid’l Adha, o Feast of Sacrifice, ang patuloy at extensibong serbisyo para sa kanila ng kanyang administrasyon.
Ayon kay Gov. Mendoza, tatanawin niyang utang na loob ang pag-boto sa kanya, para sa pangalawang termino, ng mga Muslim voters sa lahat ng mga bayan na sakop ng Cotabato province at sa kabisera nito, ang Kidapawan City, nitong May 12, 2025 elections.
Mismong sina Bangsamoro Labor Minister Muslimin Sema, chairman ng Moro National Liberation Front, at ang chief minister ng Bangsamoro region, si Abdulrauf Macacua na pinuno ng Bangsamoro Islamic Armed Forces ng Moro Islamic Liberation Front, ang nagkumpirma na suportado ng mga kasapi ng MNLF at MILF at ng mga residenteng Moro sa Cotabato province ang liderato ni Gov. Mendoza dahil hindi ito anti-Moro at dahil din sa kanyang masigasig na pagkalinga sa kanila, lalo na tuwing buwan ng Ramadan.
Ang taunang Ramadan ay buwan ng pagpu-puwasa ng mga Muslim, mula madaling araw hanggang takipsilim, sa loob ng 30 araw bilang religious obligation.
Ayon kay Bangsamoro Labor Minister Sema at Bangsamoro Chief Minister Macacua, isa pang dahilan kaya lubos ang suporta ng Moro communities kay Gov. Mendoza ay dahil nanatiling bukas ang kanilang provincial capitol para sa pag-serbisyo at mga kaukulang pag-ayuda sa mga residente ng 63 barangays sa Cotabato province na naging sakop na ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao matapos silang bumuto sa isang referendum nitong 2019 ng pabor na maipasailalim ang kanilang mga barangays sa BARMM territory.
Maliban sa pagiging Cotabato provincial governor, chairperson din si Gov. Mendoza ng maimpluwensyang multi-sector Regional Development Council 12 na sakop ang apat na probinsya at apat na mga lungsod sa Region 12. (June 8, 2025)