
Nakaligtas sa pananambang si Police Cpl. Tohami Musa, ang kanyang kabiyak at anak nitong hapon ng Martes, December 31, 2024, sa mataong bahagi ng isang kalye sa Barangay Awang sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte.
Sakay ng kanilang kulay silver na Toyota Hilux pick-up truck ang mag-anak ng papatukan ng mga armadong magkaangkas sa motorsiklo sa may rotonda sa Awang kung saan maraming mga nakaparadang mga tricycle at mga sasakyang pampasahero at napapalibutan ng mga establisyemento.
Gumanti ng putok si Musa sa mga bumaril sa kanila kaya agad na tumakas ang mga ito gamit ang kanilang motorsiklong nagka-aberya sa isang bahagi ng highway kaya sila nang-agaw ng motorsiklo ng isang motorista, si Norman Singh, na kanilang ginamit sa pagtakas.
Inaalam pa ng mga imbestigador ng Datu Odin Sinsuat Municipal Police Station kung sino mga nanambang kina Musa at kung ano ang kanilang motibo sa pagsagawa ng naturang krimen.
Si Musa, residente ng Barangay Tamontaka sa Datu Odin Sinsuat, ay naka-destino sa probinsya ng Tawi-Tawi na sakop ng Bangsamoro region. (December 31, 2024)