Kinondena ng mga municipal at provincial officials ang pagpatay sa isang ambush sa Kabacan, Cotabato nitong Lunes, February 10, 2025, ng isang manager ng malaking bus company at kanyang kabiyak.
Nasawi sa insidente ang bus company manager na si Armando Yap Lu at ang kanyang kabiyak na si Marilyn.
Kabilang sa mga nagkondena sa pagpatay sa mga biktima sina Kabacan Mayor Evangeline Guzman at Cotabato Gov. Emmylou Taliño-Mendoza na siyang chairperson ng Provincial Peace and Order Council.
Nag-alok si Governor Mendoza ng pabuya sa sinumang makakatulong sa mga imbestigador ng Kabacan Municipal Police Station sa pagkilala sa mga pumatay sa mga biktima.
Sakay ng isang Toyota Fortune si Lu at ang kanyang kabiyak, pauwi na sana sa Carmen, Cotabato, ng tambangan ng mga armado sa isang bahagi ng highway sa Barangay Kayaga sa Kabacan.
Ayon kay Governor Mendoza, na chairperson ng Regional Development Council 12, nagtutulungan ang local government unit ng Kabacan, ang Kabacan police force at si Col. Gilbert Tuzon, ang Cotabato provincial police director, sa paglutas ng naturang krimen. (Feb. 13, 2025)