COTABATO CITY (November 25, 2025) — Tumanggap ng ayudang tig-P15,000 at mga school supplies ang karagdagang 20 pa na mga rescued child laborers mula sa Ministry of Labor and Employment-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (MoLE-BARMM).

Sa mga hiwalay na pahayag nitong Lunes, November 24, ni Bai Sara Jane Sinsuat, director ng Bureau of Employment Promotion and Welfare (BEPW) ng MoLE-BARMM at ni Bangsamoro Labor Minister Muslimin Sema, 10 sa 20 na ex-child laborers na pinakahuling naka-benepisyo, nitong nakalipas na linggo, mula sa kanilang Bangsamoro Child Labor Sagip Program (BCLSP), ay mula sa mga mahirap na mga pamilya sa Romongaob at Kuya sa South Upi, Maguindanao del Sur.

Ang 10 na iba pang mga rescued child laborers na tumanggap din nito lang nakalipas na linggo ng P15,000 cash assistance at school supplies mula sa MoLE-BARMM ay mga taga Barangay Poblacion 9 sa Cotabato City, mga dating nangangalap ng mga recyclable na mga basura, na maaaring ibenta, sa isang malaking garbage dumpsite ng city government sa naturang lugar.

Katuwang ng MoLE-BARMM ang International Labour Organization (ILO) ng United Nations, ang ibat-ibang mga local government units, ang administrasyon ni Cotabato City Mayor Bruce Matabalao at ang mga non-government organizations na Asian Partnership for the Development of Human Resources in Rural Areas at ang Community Organizers Multiversity, sa implementasyon ng BCLSP sa mga probinsya at lungsod sa autonomous region. Suportado din ng education at social services ministries ng Bangsamoro regional government ang BCLSP.

Isinagawa ng mga kawani ng MoLE-BARMM, sa pangungua ni Sinsuat, ang pamimigay nitong nakalipas lang na linggo ng mga cash assistance at school supplies sa 20 na mga batang dating child laborers sa regional office ng MoLE-BARMM sa Bangsamoro regional capitol sa Cotabato City.

Sa pinakahuling tala, mula nitong 2023, abot na ng 691 na mga child laborers, ilan sa kanila mga babae, na napilitang magtrabaho upang kumita ng karagdagang pera para sa pangangailangan ng kani-kanilang mga pamilya, ang magkatuwang na na-rescue at naibalik na sa mga paaralan ng mga kawani ng mga ahensya ng BARMM, ng mga NGOs, ng mga local government units sa autonomous region at ng ILO.

Makikita sa larawan ang isa sa mga 20 na mga batang tumanggap ng ayuda mula sa MoLE-BARMM, isang etnikong Teduray, kasama ang kanyang ina, na nangakong hindi na siya papayagang maging child laborer uli upang makapag-aral ng maayos.