COTABATO CITY (November 22, 2025) — Pinakikinabangan na ng mga residente ng Barangay Lampitak sa Tampakan, South Cotabato ang mga gamot para sa iba’t ibang mga karamdaman, mga multi-vitamins at isang medical storage refrigerator para sa kanilang health center na mula sa isang pribadong kumpanya.
Ang naturang private firm, ang Sagittarius Mines Incorporated, o SMI, ay katuwang ng ibat-ibang barangay governments sa Tampakan, ng mga municipal government officials, mga Blaan tribal leaders at mga kinatawan ng mga settler communities sa naturang bayan sa mga ekstensibong community-empowerment projects.
Kinumpirma nitong Sabado, November 22, nila Lampitak Barangay Chairman Marinilio Ngalon at ng kanilang mga barangay health workers, sa pangunguna ng registered nurse na si Rendylle Silvela, ang kanilang pagtanggap mula sa SMI nito lang October 27 ng ayudang mga gamot at multi-vitamins at ng storage refrigerator na magagamit bilang imbakan ng medical supplies katulad ng mga bakuna at iba pang mga medical supplies.
“Maraming salamat sa SMI sa kanilang suporta sa Barangay Lampitak. Napakalaking tulong ito para sa amin, lalo na ang refrigerator na medical storage type dahil madalas kaming makaranas ng power interruption dito sa barangay. Ito ay malaking tulong para sa kaligtasan ng mga residente ng aming barangay,” pahayag ni Ngalon.
Ang naturang medical-grade refrigerator ay gagana kung biglang nawala ang supply ng kuryente kaya tiwala ang mga barangay officials sa Lampitak at kanilang mga health workers na hindi masisira ang mga laman nitong mga gamot na nangangailangan ng sapat na refrigeration upang manatiling mabisa.
Ang magkatuwang na mga medical at health care projects ng mga residente ng Tampakan at ng kanilang mga barangay at municipal officials at ng SMI ay kaugnay ng Social Development and Management Program ng naturang private company na nakatutok sa mga education, livelihood, environment-protection at socio-economic empowerment interventions para sa mga Blaan at settler communities sa naturang bayan.