Namahagi nitong Huwebes, October 30, ng 100 na mga brand new Toyota Lite Ace customized rescue vehicles ang provincial government ng Cotabato sa mga barangay na sakop nito.

Ang pamimigay ng naturang mga rescue vehicles ng tanggapan ni Cotabato Gov. Emmylou Taliño-Mendoza ay naglalayong maging mas mapalakas at mapalawig pa ang emergency response capabilities ng mga barangay governments sa mga bayan na sakop ng kanyang administrasyon.

Maliban sa kanyang pagiging chairperson ng Cotabato Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council, si Taliño-Mendoza din ang namumuno ng multi-sector, inter-agency Regional Development Council 12 na saklaw ang apat na mga probinsya at apat na mga lungsod sa Region 12.

Magkatuwang na nag-misa muna ang mga katolikong pari na sina Arnel Cabrera at Hipolito Paracha sa provincial capitol bilang bahagi ng programang kaugnay ng pag-release ng mga mga rescue vehicles sa mga kinatawan ng mga beneficiary barangay governments.

Ang mga bagong rescue vehicles na binili ng provincial government ay ipinamahagi sa mga representatibo ng mga barangay governments sa Cotabato province sa isang symbolic turnover ceremony sa provincial capitol sa Kidapawan City, pinangunahan ng gobernadora at ni Vice Gov. Rochella Marie Taliño Taray.

Dumalo din sa naturang seremonya ang mga kasapi ng Sangguniang Panlalawigan, mga alkalde ng iba’t-ibang mga bayan, mga kawani ng iba’t-ibang divisions sa governor’s office at mga kinatawan ng mga barangay governments na nabigyan ng rescue vehicle bawat isa.

Binasbasan muna ni Father Jessie Esparagoza ng Diocesan Clergy of Kidapawan ang mga rescue vehicles, sa presensya ng mga provincial officials at ng kanilang constituent local executives, bago nila iniuwi sa kani-kanilang mga bayan. (November 1, 2025, Kidapawan City, Cotabato Province)