Agad na namatay sa mga tama ng bala ang isang kumandidato sa pagka-vice mayor sanhi ng ambush sa Barangay Kibayao sa Kapalawan, isang bagong tatag na municipality sa Bangsamoro Special Geographic Area probinsya ng Cotabato, nitong hapon ng Biyernes, October 24.

Ang napatay sa ambush, ang 50-anyos na si Alex Palao, ay kumandidatong vice mayor ng Carmen sa probinsya ng Cotabato nitong May 12, 2025 ngunit hindi pinalad na mahalal sa naturang puwesto. Ayon sa kanyang mga kamag-anak, balak pa ni Palao ang magkandidatong muli para sa isang municipal elective position sa darating na 2028 elections.

Sa ulat nitong Sabado ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region at ng mga kasapi ng multi-sector Kapalawan Municipal Peace and Order Council, sakay ng kanyang motorsiklo si Palao, angkas ang kanyang 18-anyos na pamangkin na si Abdulsadar Sanchez, ng tambangan ng mga lalaking armado sa isang bahagi ng highway sa Sitio Galay sa Barangay Kibayao.

Masuwerteng nakaligtas sa ambush na walang tama ng bala si Sanchez, ayon sa mga barangay officials ng Kibayao.

Ang Kapalawan ay isa sa walong mga bayan sa probinsya ng Cotabato na itinatag ng Bangsamoro regional parliament nitong 2024. Ang naturang walong mga bayan ay sakop ng regional government ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, ngunit nasa teritoryo ng probinsya ng Cotabato na nasa loob ng teritoryo ng Administrative Region 12.

Ayon sa mga barangay officials Kapalawan, mabilis na tumakas ang mga nag-ambush kay Palao at pamangking at kanilang sinakyan at tinangay ang motorsiklo nito ng pumalya at hindi nila mapaandar ang isa sa kanilang motorsiklong gagamitin sana sa pagtakas matapos mapaslang ang biktima.

Makikita sa larawan ang motorsiklo ng mga nag-ambush kay Palao at kanyang pamangkin na kanilang iniwan sa mismo sa pinangyarihan ng krimen ng pumalya at hindi na mapaandar. (October 25, Kapalawan Special Geographic Area, Bangsamoro Region)