COTABATO CITY (October 24) —- Isang ranking staff ni Bangsamoro Chief Minister Abdulrauf Macacua ang itinalagang acting senior minister ng autonomous regional government kapalit ni Mohammad Yacob na nahalal bilang speaker ng mga kasapi ng 80-seat parliament sa isang session nitong Martes.
Si Yacob, nag-aral ng Islamic jurisprudence sa International Islamic University sa Madinah sa Saudi Arabia, ay miyembro ng regional parliament at unang nanungkulan bilang agriculture minister bago naging senior minister na sakop ng tanggapan ni Macacua.
Nilagdaan ni Macacua ang Office of the Chief Minister Special Order No. 0760, Series of 2025 na siyang official designation ni Abdullah Cusain, assistant senior minister sa kanyang tanggapan, bilang acting senior minister nitong Huwebes, October 22.
Si Cusain ay magkasunod na namahala muna ng ilang mga agencies ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao bago naging assistant minister at, nitong Huwebes, naging acting senior minister.
Ayon kay Macacua, may sapat na kakayahan si Cusain, nagtapos ng kolehiyo sa University of the Philippines sa Diliman, Quezon City at sumailalim na sa maraming work-related trainings kaugnay ng kanyang mga naunang official assignments sa regional government, upang magampanan ang kanyang bagong tungkulin — ang pagka-acting senior minister ng regional government ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Si Yacob ay na-elect na speaker ng BARMM parliament kapalit ng abugadong si Pangalian Balindong na pumanaw na sa edad na 85 nitong October 2.
 
                    