ZAMBOANGA CITY – Arestado ang isang high-value target sa isinagawang joint drug entrapment operation ng mga awtoridad sa Baliwasan, Sea Front Subdivision, Zamboanga City nitong umaga ng Miyerkules, October 1, 2025, kung saan nasamsam ang nasa 50 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng ₱340,000.
Batay sa ulat mula sa Police Regional Office 9 (PRO 9), bandang 10:57 ng umaga isinagawa ang operasyon na pinangunahan ng Regional Drug Enforcement Unit (RDEU) 9, katuwang ang iba pang law enforcement agencies. Naaresto ang 36-anyos na lalaki na residente ng Baliwasan Seaside, Zamboanga City, matapos maaktuhang nagbebenta ng ilegal na droga.
Nasamsam mula sa kanya ang dalawang heat-sealed plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may kabuuang bigat na 50 gramo. Ang nasabing droga ay tinatayang nagkakahalaga ng ₱340,000 sa street value.
Agad dinala ang suspect sa detention facility ng Zamboanga City Police Office (ZCPO) habang inihahanda ang kaukulang kaso laban sa kanya. Isinailalim na rin sa qualitative examination ng Regional Forensic Unit 9 ang mga nakumpiskang ebidensya.
Pinuri ni Police Brigadier General Eleazar P. Matta, Regional Director ng PRO 9, ang matagumpay na operasyon at binigyang-pagkilala ang dedikasyon at propesyonalismo ng mga operatiba. Ayon sa kanya, bahagi ito ng patuloy at pinaigting na kampanya kontra ilegal na droga at loose firearms sa Zamboanga Peninsula.
“Ang mga tagumpay na ito ay patunay ng walang humpay na pagsisikap ng PRO 9 na sugpuin ang illegal drugs sa rehiyon. Magpapatuloy kami sa aming mga operasyon upang matiyak ang kaligtasan at kapayapaan sa ating mga komunidad,” pahayag ni PBGen Matta.
Ellyza Mae Amar (October 3, 2025, Zamboanga City)