Isa na namang etnikong Teduray leader ang pinatay ng walang awa, pinugutan pa ng ulo, sa Barangay Limpongo sa Datu Hofer, Maguindanao del Sur nitong hapon ng Martes, September 30, 2025.

Abot na ng 86 na mga Teduray tribal leaders at mga representatibo ng kanilang tribo sa iba’t-ibang mga lugar sa kanilang mga ancestral lands sa Maguindanao del Sur ang napatay sa mga serye ng walang patid na pamamaslang nito lang nakalipas na anim na taon.

Kinumpirma nitong Miyerkules, October 1, ng mga officials ng Maguindanao del Sur Provincial Police Office at ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region ang pagkakapaslang kay Ramon Lupos ng mga hindi pa nakikilalang mga salarin sa Sitio Kulab sa Barangay Limpongo.

Ayon sa mga ka-tribo at kanyang mga kamag-anak, kukuha lang sana ng saging sa kanyang sakahan si Lupos ng harangin ng mga armadong kalalakihan at agad nilang pinaghahampas ng mga putol na kahoy hangang sa mawalan ng malay at agad nilang pinugutan ng ulo.

Mabilis na tumakas ang mga salarin, ayon sa inisyal na ulat ng mga imbestigador ng Datu Hofer Municipal Police Station.

Limang mga Teduray leaders ang unang napatay ng mga armado sa iba’t-ibang mga lugar sa Datu Hoffer mula 2022. (October 1, 2025, Maguindanao del Sur, Bangsamoro Region)