Nanumpa ng katapatan sa pamahalaan ang 10 na dating mga supporters ng nabuwag nang Abu Sayyaf sa probinsya ng Sulu matapos isuko ang kanilang mga combat weapons sa pulisya nitong nitong Martes, September 23.
Kinumpirma nitong Biyernes, September 26, ng mga provincial officials sa Sulu at ng Police Regional Office-9 ang paglantad ng 10 na mga dating Abu Sayyaf terror group supporters, mula sa mga bayan ng Tapul, Maimbung, Indanan at Jolo, na nanumpa na igagalang na ang pamahalaan sa isang seremonya Camp Camp Col. Romeo A. Abendan ng PRO-9 sa Barangay Mercedes, Zamboanga City.
Ayon sa mga senior members ng Sulu Provincial Peace and Order Council na pinamumunuan ni Gov. Abdusakar Abubakar Tan, Jr., pumayag ang 10 na mga nagtatagong mga supporters ng nabuwag ng Abu Sayyaf terror group na sumuko sa pakiusap ng mga traditional community leaders at local executives sa probinsya at ng mga officials ng kanilang provincial police force at ng PRO-9.
Nangako ang sumukong mga dating Abu Sayyaf supporters kay Police Brig. Gen. Eleazar Matta, director ng PRO-9, na tutulong sa paghikayat sa ilang pang mga dating nagkakanlong ng mga kasapi ng nabuwag ng Abu Sayyaf na lumantad na rin at magbalik-loob sa pamahalaan.
Kilala ang Sulu na dating kuta ng Abu Sayyaf na lubusang nabuwag tatlong taon na ang nakalipas sa pagtutulungan ng provincial at municipal officials, ng Western Mindanao Command ng militar at ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region.
Sakop na ng PRO-9 ang Sulu dahil sa pagkakatangal nito sa core territory ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao ng Supreme Court nitong nakalipas lang na taon, batay sa petisyon ng noon ay governor ng probinsya, si Hadji Abdusakur Mahail Tan, Sr., ngayon provincial vice governor na ng probinsya.
Ayon kina Matta at sa director ng PRO-BAR, si Brig. Gen. Jaysen De Guzman, malaki ang naitulong ng mag-amang Tan, kasalukuyang governor at vice-governor ng Sulu, sa pagkagupo ng Abu Sayyaf sa pamamagitan ng mga tactical at humanitarian efforts at mga socio-economic at infrastructure projects sa kanilang mga kuta sa ibat-ibang mga bayan sa probinsya. (September 26, 2025, Sulu & Zamboanga City, Region 9)