Nakumpiska ang nasa 3-kilong hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P20 milyon kasunod ng pagkakaaresto sa tatlong big-time drug trafficker kabilang ang Chinese sa isinagawang operasyon sa Barangay Zapote 3, Bacoor City, Cavite, madaling araw nitong Sabado.

Tinukoy ng pulisya ang mga naaresto sa kanilang mga alyas na Dave, Cho na isang Chinese national at Shai, 25, ng Tanza, Cavite, dahil sa isinagawang follow-up operation laban sa mga posibleng kasabwat nilang tatlo.

Ang mga suspek ay kasama sa listahan ng mga High Value Target na indibidwal hindi lamang sa lalawigan ng Laguna kundi maging sa rehiyon ng Calabarzon.

Bago ang operasyon, isang linggong surveillence operation kasama ang monitoring at evaluation ang isinagawa ng Drug Enforcement Unit ng Bacoor City Police Station laban sa mga suspek bago magsagawa ng operasyon ang mga pulis madaling araw kamakalawa.

Bukod sa tatlong kilong shabu na nagkakahalaga ng P20.4 milyon, nakumpiska rin sa lugar ang mga drug paraphernalia, monetary bill na ginamit na buy-bust money, dalawang sasakyan, mobile phone, identification card sa pangalan ng isa sa mga suspek, at maliliit na baril.

Sinabi ni Brig. Gen. Jack Wanky, Calabarzon police director, ang tagumpay ng operasyon ay patunay ng pinalakas na kampanya ng pulisya laban sa ilegal na droga.

Dagdag pa niya, patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad ang iba pang posibleng koneksyon ng mga suspek sa mas malawak na sindikato ng droga.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng Bacoor City Police Station ang mga naaresto habang inihahanda ang kaukulang kaso laban sa kanila. (June 30, 2025, Cristina Timbang, Pilipino Star Ngayon)