Naaresto ng mga pulis nitong Martes, September 23, sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte ang tatlong nagpapanggap na konektado sa Bangsamoro social services ministry na mahigit 500 katao na ang na-kolektahan ng tig P500 kapalit ng pangakong buwanang cash allowance mula sa naturang ahensya.

Kinumpirma ng mga local executives ang pagkakalambat nitong Martes ng mga operatiba ng Datu Odin Municipal Police Station, sa pangunguna ng kanilang hepe na si Lt. Col. Esmael Madin, kina Badrudin Silongan Bansuan, 48-anyos, Marklein Tomas Alvarico, 32-anyos, at ang kanilang 69-anyos na kasabwat na babaeng si Eden Tenorio Avilla na nagpapanggap na mga kawani ng Ministry of Social Services and Development-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.

Sa ulat nitong Miyerkules ni Brig. Gen. Jaysen De Guzman, director ng Police Regional Office Bangsamoro Autonomous Region, agad na inaresto nila Madin ang tatlo matapos tumanggap ng P500, mula sa isang nagkunwari na interesadong mapabilang sa kanilang listahan ng mga tatanggap ng buwanang cash na ayuda mula sa MSSD-BARMM, sa isang entrapment operation sa Block 5 sa Barangay Awang sa Datu Odin Sinsuat.

Ikinagalak ng mga regional officials ng MSSD-BARMM sa kapitolyo ng Bangsamoro region sa Cotabato City ang pagkaaresto kina Bansuan, Alvarico at Avilla na nakunan ng mga pekeng ID na may logo ng kanilang ahensya. Pinasalamatan ng MSSD-BARMM officials, kabilang sa kanila si Social Services Minister Raissa Jajurie na isang abogada, ang Datu Odin Sinsuat police force sa pagkakalambat ng tatlo.

Ayon kay De Guzman magkatuwang na isinagawa nila Madin at mga barangay officials sa Awang ang naturang matagumpay na entrapment operation sa tulong ng ilan sa mga na-biktima ng mga suspects na nagdududa na illegal ang kanilang ginagawa at napatunayang hindi pala sila mga empleyado ng MSSD-BARMM batay sa kanilang ginawang pagtatanong sa ilang mga kawani ng ahensya. (September 24, 2025, Maguindanao del Norte, Bangsamoro Region)