Apat na mga dealers ang nakumpiskahan ng P476,000 na halaga ng shabu sa isang police entrapment operation sa Barangay Dicayas sa Dipolog City nitong Sabado, September 20, 2025.
Sa ulat nitong Martes, September 23, ni Brig. Gen. Eleazar Matta, director ng Police Regional Office-9, nakadetine na ang apat na mga suspects, nahaharap na sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Ayon kay Matta, magkatuwang na naisagawa ng mga operatiba ng ibat-ibang units ng PRO-9 at ng Dipolog City Police Station ang naturang anti-narcotics operation sa tulong ng mga local executives at mga impormanteng alam ang malakihang pagbebenta ng shabu ng apat na suspects.
Hindi na pumalag ang apat ng arestuhin ng mga hindi unipormadong mga pulis na kanilang nabentahan ng 70 gramo ng shabu, nagkakahalaga ng P476,000, sa isang entrapment operation sa Purok Violeta, Sitio Tulil sa Barangay Dicayas, Dipolog City nitong gabi ng Sabado.
Nagpasalamat si Matta at ang mga officials ng Zamboanga del Norte Provincial Police Office sa mga barangay at municipal officials na sumuporta sa naturang matagumpay na entrapment operation.(September 23, 2025, Dipolog City, Zamboanga del Norte, Region 9)