Patay ang isang 7-taong gulang na batang lalaki matapos mabiktima ng insidente ng hit-and-run sa Lingayon, Zamboanga del Norte kahapon, pasado alas 9 ng umaga, Hunyo 15.

Kinilala ang biktima na si Rahied Taghap Alisan, na ayon sa mga awtoridad, binangga ng isang puting pickup truck bandang alas-9 ng umaga habang ito ay naglalakad sa gilid ng kalsada.

Sa halip na huminto at tumulong, tumakas ang hindi pa nakikilalang driver ng naturang sasakyan. Sa lakas ng pagkakabangga, nagtamo ng matinding pinsala sa ulo ang biktima. Ayon sa mga residente, nagkalat ang dugo at utak ng bata sa kalsada.

Agad itong isinugod sa isang ospital sa Labuan, Zamboanga City, ngunit idineklara na itong dead on arrival.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng mga otoridad upang matukoy ang pagkakakilanlan ng driver ng pickup. Nanawagan din ang pamilya ni Rahied sa sinumang nakasaksi ng insidente na makipag-ugnayan sa pulisya.