Maagap na na-rescue ng mga tropa ng Philippine Coast Guard (PCG) nitong Biyernes ang isang pamilyang Tausug na mag-uuwi sana ng bangkay ng pitong-taong-gulang na bata sa Sulu mula sa Zamboanga City gamit ang pumpboat na muntik ng malunod sa karagatang malapit sa Maluso, Basilan sanhi ng malakas na ulan, hangin at malaking alon.
Sa mga hiwalay na ulat nitong Sabado, June 14, 2025, ng units ng PCG at Philippine National Police sa Basilan, na-rescue ang naturang pamilya hindi kalayuan sa baybayin ng bayan ng Maluso sa Basilan, isa sa limang probinsya ng Bangsamoro region.
Sa pagtutulungan ng mga tropa ng PCG sa Basilan at sa Sulu at ng mga local officials sa dalawang probinsya, naihatid ng maayos ang mag-asawang na-rescue at iba pa nilang mga kasama at ang kanilang anak na pumanaw dahil sa karamdaman na nais nilang mailibing sa Jolo, ang kabisera ng Sulu.
Naihatid sila sa Patikul sa Sulu at, mula doon, ay sinamahan na ng mga kasapi ng PCG sa kanilang tinitirhan sa Barangay San Raymundo sa Jolo. (June 15, 2025, handout photos)
