Apatnapu’t anim na kaso ng Mpox (Monkeypox) ang naitala sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao hanggang nitong Hunyo 8, 2025, ayon ulat ng Ministry of Health-BARMM.

Sa report ng Ministry of Health ng BARMM nitong Martes, June 10, 2025, kabilang sa 46 kaso, ay walo ang positibo, 31 ang pinaghihinalaang kaso at pito naman ang probable.

Ang BARMM Region ay binubuo ng Basilan, Lanao del Sur, Maguindanao del Sur, Maguindanao del Norte, Sulu, Tawi-Tawi at ng mga lungsod ng Lamitan, Marawi at ng Cotabato na kabisera ng rehiyon.

Ayon sa Ministry of Health, walo sa mga pasyente ay nakarekober na habang ang iba pang mga pasyente ay patuloy na nagpapagaling. Wala namang naiulat na nasawi sa mga tinamaan ng Mpox na mga residente ng rehiyon.

Hinikayat ng Municipal Health Office (MOH) ng BARMM ang publiko na huwag mag-panic dahil ginagawa nila ang lahat upang mapigilan ang pagkalat ng Mpox kabilang na ang pakikipag-ugnayan sa mga local government units at health agencies.

Patuloy ang mahigpit na pagmomonitor at kaukulang medical care sa mga apektadong pasyente. (From Pilipino Star Ngayon and MOH-BARMM social media news page, June 11, 2025)