Isang mekaniko ng motorsiklo ang agad na namatay habang sugatan naman ang kanyang dalawang mga kasama ng pagbabarilin sa tapat mismo ng isang motorcycle shop sa Barangay Kingking sa Pantukan, Davao de Oro nitong Linggo, June 8, 2025.

Sa ulat nitong Lunes ng Pantukan Municipal Police Station, may ginagawa si Clye Bryan Ginoo sa pinagtatrabahuang motorcycle shop at accessories store sa Sitio Townsite sa Barangay Kingking ng lapitan ng mga hindi kilalang mga lalaki at agad na pinagbabaril na nagsanhi sa kanyang agarang kamatayan.

Binaril din ng mga salarin ang dalawa pang mga kasama ni Ginoo na sina Jayvane Jañola Nepangue at Ferlyn Toñares Badliz bago tumakas gamit ang isang motorsiklo.

Agad namang isinugod sa pagamutan ng mga barangay officials at mga pulis ang mga sugatang sina Nepangue at Badliz sa isang hospital para malapatan ng lunas.

Wala pang linaw sa mga lokal na kinauukulan kung sino ang mga bumaril sa tatlo at kung ano ang kanilang motibo sa pagsagawa ng naturang krimen. (June 9, 2025)