Nakumpiska ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang 21 kilong tuyong marijuana mula sa dalawang dealers sa isinagawang sting operation sa Barangay Betag sa La Trinidad, Benguet nitong Lunes.

Sa imbestigasyon ng PDEA agents, nalaman na edad 31 at 44 ang mga suspek mula sa Kibungan at La Trinidad, parehong sakop ng Benguet.

Nabatid na nakatanggap ng tip ang mga awtoridad kaugnay sa pagtutulak ng dalawang suspek kaya agad na ikinasa ng PDEA-Cordillera Land Transportation Interdiction Unit, Regional Special Enforcement Team at PNP Cordillera ang buy-bust operation.

Narekober sa dalawa ang nasa 21 kilo o 21 piraso ng tubular na pakete ng pinatuyong dahon ng marijuana na nagkakahalaga ng P560,000.

Kinumpiska rin ang isang Tamaraw FX na gamit ng mga suspek sa kanilang ilegal na mga transaksyon.

Mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang dalawang suspek. (Pilipino Star Ngayon, Doris Franche-Borja, June 5, 2025)