Agad na nakulong ang isang senior citizen na dealer na shabu matapos mabilhan ng mga hindi unipormadong mga pulis ng isang kilong shabu sa isang entrapment operation sa Marawi City sa Lanao del Sur nitong Sabado, May 31, 2025.

Kinumpirma nitong Lunes, June 2, 2025, ni Brig. Gen. Romeo Juan Macapaz, director ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, na naka-detine na ang 64-anyos na suspect na residente ng Barangay Dilausan sa Poona Bayabao, Lanao del Sur, na nakunan ng P6.8 million na halaga ng shabu sa naturang entrapment operation.

Ayon kay Macapaz, nalambat ang suspect sa pagtutulungan ng mga opisyal ng ibat-ibang mga unit ng PRO-BAR sa Lanao del Sur, ng mga operatiba ng Marawi City police force at ng tanggapan ni Gov. Mamintal Alonto Adiong, Jr., ang chairman ng Lanao del Sur Provincial Peace and Order Council.

Agad na inaresto ng mga anti-narcotics agents ng PRO-BAR ang suspect matapos silang bentahan nito, sa isang lugar sa Barangay Marawi Poblacion sa Marawi City na kabisera ng Lanao del Sur, ng isang kilong shabu, nagkakahalaga ng P6.8 million.

Ayon kay Macapaz, gagamiting ebidensya sa paghabla sa kanya sa paglabag ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang shabu na nakumpiska sa kanya. (June 2, 2025)