Tuluyang naulila ng lubusan ang dalawang menor-de-edad na magkapatid ng namatay ang kanilang ama na isang government employee sa aksidente sa Matalam, Cotabato nitong Sabado, araw ng libing ng kanilang pumanaw na ina.

Sa ulat ng mga opisyal ng Cotabato Provincial Police Office, minamaneho ni Junifel Conel, Sr. ang kanilang Mitsubishi Adventure, patungo sana sa isang purified water refilling station sa Barangay Kilada sa Matalam ng nawalan siya ng control ng sasakyan kaya lumihis ito at nasapol, head-on, ang isang Isuzu ten-wheeler truck na nakaparada sa gilid ng highway.

Namatay si Conel, kawani ng Cotabato Provincial Engineer’s Office, sa aksidenteng naganap umaga ng Sabado habang malubha naman kanyang anak na si Junifel, Jr. na kanyang kasama sa kanilang nawasak na sasakyan.

Nagtamo din ng mga sugat at pasa sa katawan ang driver ng truck na si Ryan Puno Osumo na agad namang nagpakustodiya sa mga kasapi ng Matalam Municipal Police Station na nagresponde sa insidente.

Ayon sa mga kamag-anak at mga barangay officials sa Matalam, posibleng dahil sa puyat si Conel sa huling gabi, nitong Biyernes, ng lamay para sa kanyang misis kaya nakatulog sa pagmamaneho na nagresulta sa aksidenteng nagsanhi ng kanyang pagkamatay.

Maayos na nailibing nitong Sabado ang misis ni Conel sa kabila ng malungkot na insidenteng labis na nakaapekto sa kanyang dalawang anak at kanilang angkan sa Matalam. (June 1, 2025) 

See less