Dalawang lalaking nakumpiskahan nitong Lunes, September 15, 2025, ng dalawang M16 assault rifles at dalawang .45 caliber pistols ng mga pulis sa isang checkpoint sa Barangay Sambulawan sa Datu Salibo, Maguindanao del Sur ang agad na nakulong.
Ang dalawa — sina Musa Guipal Abdul, 22-anyos, at ang 30-anyos na si Norodin Talib Guiapal, mga residente ng Barangay Kitango sa Datu Saudi Ampatuan, Maguindanao del Sur — ay nahaharap na sa mga kasong illegal possession of firearms at paglabag sa gun ban na ipinapatupad ng Commission on Elections kaugnay ng nalalapit ng October 13, 2025 Bangsamoro regional elections.
Sakay ng isang Toyota Hilux, may plakang NBD 7769, sina Abdul at Guiapal ng pinigil ng mga tropa ng Datu Salibo Municipal Police Station para sa isang routine inspection lang sana ngunit agad na silang nadetine ng may nakita sa loob ng naturang sasakyan na isang Elisco 5.56 assault rifle na may serial number na RP17009 at isang Colt 5.56 assault rifle na may serial number na 4926280.
Maliban sa dalawang mga combat rifles, nakumpiskahan din sila ng isang Armscor .45 pistol, may serial number 452935SP, at isang Shooter .45 pistol na may serial number M09093271.
Sa ulat ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, walang naipakitang mga lisensya para sa mga naturang mga armas ang dalawang may dala nito at wala din silang kasulatang mula sa Comelec na exempted sila sa pinapatupad nitong gun ban kaugnay ng October 13, 2025 Bangsamoro parliamentary elections. (Sept. 17, 2025, Maguindanao del Sur, Bangsamoro Region)