Agad na nakulong ang isang lalaking walang habas na nagpaputok ng .45 caliber pistol sa isang seaside area sa Barangay Matuber sa Datu Blah Sinsuat, Maguindanao del Norte nitong hapon ng Linggo, May 25, 2025.

Nakumpiskahan ng hindi dokumentadong baril, walang written exemption sa gun ban ng Commission on Elections, ang suspect na si Mahadi Abugantao Dimatingkal, 28-anyos, taga Barangay Guintales sa Lebak, Sultan Kudarat.

Sa ulat nitong Lunes ni Brig. Gen. Romeo Juan Macapaz, nasukol si Dimatingkal ng mga kasapi ng Datu Blah Sinsuat Municipal Police Station, pinamumunuan ni Capt. Octavio Llenado, sa Sitio Maningula sa Barangay Matuber sa tulong ng mga residenteng nag-ulat ng kanyang pagpapaputok ng kanyang hindi lisensyadong .45 caliber pistol.

Agad na pinasalamatan ng mayor ng Datu Blah Sinsuat na nahalal bilang vice governor ng Maguindanao del Norte nitong May 12, 2025 elections, si Marshall Ibrahim Sinsuat, ang mga pulis sa kanilang bayan, ang mga barangay officials sa Matuber at mga tropa ng Marine Battalion Landing Team-5 ng 1st Marine Brigade sa kanilang kooperasyon sa pagtugon sa insidente na nagresulta sa pagka-aresto kay Dimatingkal. (May 26, 2025)