Agad na nakulong ang dalawang babaeng nagbenta ng P3.4 million halaga ng shabu sa mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency at mga pulis sa isang entrapment operation sa Sarimanok sa Barangay Marawi Poblacion sa Marawi City, Lanao del Sur nitong hapon Miyerkules, September 10, 2025.

Sa ulat ng local officials sa Marawi City, nasa kustodiya na ng PDEA-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao ang dalawang babaeng naaresto sa naturang entrapment operation — sina Daraan Macagaan Baulo, 50-anyos, at ang 43-anyos na si Noraida Arindig Tago — parehong residente ng Saguiaran, isa sa 39 na mga bayan sa Lanao del Sur.

Sa ulat ni Gil Cesario Castro, director ng PDEA-BARMM, agad na inaresto ng kanilang mga operatiba ang dalawang babae matapos silang bentahan ng kalahating kilong shabu sa isang lugar sa Barangay Marawi Poblacion.

Ayon sa mga PDEA-BARMM agents sa Marawi City, naikasa ang naturang entrapment operation sa tulong ng ibat-ibang units sa Lanao del Sur ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, pinamumunuan ni Brig. Gen. Jaysen De Guzman, at ng gobernador ng probinsya, si Mamintal Adiong, Jr.

Nahaharap na sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 sina Baulo at Tago. (September 11, 2025, Marawi City, Lanao del Sur, Bangsamoro Region)