GENERAL SANTOS CITY (August 23, 2025) Patay ang isang motoristang ama at kaangkas na anak habang malubha naman ang kanyang kabiyak sanhi ng aksidente sa Sinsuat Avenue sa Rosary Heights sa Cotabato City nitong madaling araw ng Sabado, August 23, 2025.
Magkaangkas sa isang motorsiklo ang tatlong mga biktima ng masapol ng isang sasakyan na nakasunod sa kanila sa pagtangka ng driver nito, pansamantalang nakilala lang na Samsudin, na i-overtake ang kanilang motorsiklo.
Sa lakas ng pagkakabangga ng sasakyan ni Samsudin, pinaniniwalaang posibleng lasing o lango sa illegal na droga, sa motorsiklo ng mga biktima, tumilapon sila sa sementong kalye kaya nagtamo ng mga maselang mga sugat at pasa sa katawan.
Sa inisyal na ulat ng Cotabato City Police Office, patay, sanhi ng aksidente ang ama na nagmamaneho ng motorsiklo at kanyang angkas na 22-anyos na anak na babae habang malubha naman ang kalagayan ng kanyang kabiyak na agad namang isinugod ng mga emergency responders sa isang pagamutan upang malapatan ng lunas.
Ang mga biktima, may apelyidong Tiu, ay mga residente ng Notre Dame Village na sakop ng Barangay Rosary Heights 8 sa Cotabato City.