Nagtutulungan ang Department of Environment and Natural Resources 12, ang Police Regional Office-12 at ang isang pribadong kumpanya — ang Sagittarius Mines Incorporated — sa pagpigil ng lahat ng uri ng “guerilla-style” illegal mining operations sa Tampakan, South Cotabato.

Ito ay kinumpirma mismo nitong Martes, August 19, 2025, ng abugadong si Felix Alicer, na siyang regional executive director ng DENR-12.

Magkatuwang ang DENR-12, si Brig. Gen. Romeo Juan Macapaz na director ng Police Regional Office-12 at ang Sagittarius Mines Incorporated, SMI, sa pagprotekta sa Tampakan laban sa “banlas,” or small scale illegal gold mining, ayon kay Alicer.

Ayon kay Alicer, suportado ng SMI ang kanilang kampanya laban sa illegal mining sa Tampakan sa kabila ng hindi pa ito nakakapag-simula ng Tampakan Copper-Gold Project na may basbas ng national government at may free and prior consent, o pagsang-ayon, sa proyekto ang tribong Blaan sa Tampakan.

Nagpahayag din ng suporta sa joint anti-illegal mining campaign ng DENR-12, ng PRO-12 at ng SMI ang commander ng Philippine Army, si Lt. General Antonio Nafarrete, na inatasan na ang mga Army units sa South Cotabato na tumulong sa pagsawata ng lahat ng uri ng illegal mining sa probinsya.

Nito lang August 11, 2025, naisara ng mga kawani ng DENR-12 at ng mga Blaan community leaders ang isang maliit na illegal na gold mine sa Sitio Campo Kilot sa Barangay Pulabato sa Tampakan, ayon kay Alicer.

Nasamsam sa naturang operasyon ng mga DENR-12 employees ang ibat-ibang mga gamit sa pagmimina ng ginto na hindi bababa sa P200,00 ang halaga.

Pinasalamatan ni Alicer ang SMI sa pag-suporta sa kanilang kampanya laban sa anti-illegal mining sa kabila ng ni hindi pa ito nakakapagsimula ng anumang mining operation kaugnay ng Tampakan Copper-Gold Project batay sa kontrata ng kumpanya at ng national government.

Makikita sa larawan ng isang illegal gold mine site sa Sitio Campo Kilot sa Barangay Pulabato sa Tampakan na binuwag sa isang raid ng mga kawani na sakop ng abugadong si Alicer na regional director ng DENR-12 nito lang nakalipas na linggo. (August 20, 2025, Tampakan, South Cotabato, Region 12)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *