COTABATO CITY — Nasa kustodiya na ng pulisya ang mayor ng South Upi sa Maguindanao del Sur at kanyang kabiyak matapos masilbihan ng warrants of arrest para sa kasong murder, frustrated murder at attempted murder nitong Martes.

Kinumpirma ni Brig. Gen. Romeo Juan Macapaz, director ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, na nasa kustodiya na ng Criminal Investigation and Detection Group si Mayor Reynalbert Insular at ang kanyang misis na si Janet na kusang loob na nagpaaresto ng malaman na may warrant of arrest para sa kanila mula sa Regional Trial Court Branch 27 sa Cotabato City, may petsang May 19, 2025.

Naka-detine na ang mag-asawa sa tanggapan ng CIDG-Bangsamoro Autonomous Region sa PC Hill sa Cotabato City.

Ang naturang kaso ay kaugnay ng pananambang kay South Upi Vice Mayor Roldan Benito noong August 2, 2024. Nasawi si Benito at ang kanyang kasamang etnikong Teduray na si Weng Marcos sa naturang insidente, naganap sa Barangay Pandan sa South Upi at nagsanhi ng pagkasugat ng kanyang misis na si Analyn at ng estudyanteng si Joseph Mutia.

May teorya ng mga local officials sa South Upi, kabilang na ang mga Teduray tribal leaders sa naturang bayan, na may nagdiin lang sa mag-asawang Insular sa pagpaslang sa vice mayor na parang magkapatid ang kanilang turingan sa isa’t-isa.

Nahalal na vice-mayor ng South Upi si Insular, na nasa pangatlong termino na ng pagka-mayor, nitong May 12, 2025 elections.

Walang piyansang nirekomenda ang korte para sa pansamantalang paglaya ni Insular at kanyang misis. (May 21, 2025) 

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *