Karagdagang lima pang mga miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters ang sumuko sa isang Army unit sa Maguindanao del Sur na nadestino lang pansamantala sa probinsya upang tumulong sa election security missions ng 6th Infantry Division.
Unang isinuko ng limang BIFF members sa mga opisyal ng 48th Infantry Battalion, pinamumunuan ni Col. Kenny Rae Tizon, ang kanilang mga combat weapons at mga explosives bago nanumpa ng katatapan sa pamahalaan sa sa isang simpleng seremonyang ginanap sa sentro ng Datu Salibo, Maguindanao del Sur nitong Martes, May 6, 2025.
Ang 48th IB na sakop ng 7th Infantry Division na naka-base sa Fort Magsaysay sa Palayan City, Nueva Ecija, ay pansamantalang nakadestino lang sa Maguindanao del Sur upang tumulong sa mga election security operations ng 6th Infantry Division at ng 601st Infantry Brigade sa probinsya.
Kinumpirma nitong Miyerkules ng commander ng 6th ID, si Major Gen. Donald Gumiran, ang pagsuko ng limang BIFF members sa 48th IB sa pagtutulungan ng mga opisyal nito, ni Brig. Gen. Edgar Catu, commander ng 601st Brigade, mga local officials at ng mga Muslim religious leaders sa Datu Salibo.
Sa ginanap na surrender ceremony, nangako ang limang BIFF members na magbabagong buhay na sa harap ng mga kinatawan ng Ministry of Public Order and Safety-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao na si Janine Gamao, mga kasapi ng Datu Salibo Municipal Police Station at mga local government officials sa naturang bayan. (May 8, 2025)