Napatay ng mga sundalo sa isang engkwentro sa Barangay Bambanen sa Palimbang, Sultan Kudarat nitong Huwebes ang isang New People’s Army guerilla na miyembro ng grupong nangingikil ng pera at bigas sa mga magsasaka.
Kinumpirma nitong Linggo ng mga municipal officials sa Palimbang ang pagkasawi sa insidente ng matagal ng wanted sa ibat-ibang mga kaso na si Marlindo Pandila Maglangit, notorious sa pangongolekta ng “revolutionary tax” sa mga residente ng upland areas sa kanilang bayan
Ayon kay Brigadier Gen. Michael Santos, commander ng 603rd Infantry Brigade, natagpuan ng mga sundalo sa tabi ng bangkay ni Maglangit ang isang M16 assault rifle, mga bala, mga gamot para sa iba’t-ibang mga karamdaman at ang kanyang mga personal na gamit.
Iniwan si Maglangit ng kanyang mga kasama ng mapunang napapaligiran na sila ng mga sundalong kanilang naka-engkwentro na sumiklab ng kanilang paputukan ang mga ito habang nagpapatrolya sa Sitio Sandawagen sa Barangay Bambanen.
Pina-patrolya ng mga opisyal ng 603rd Infantry Brigade ang mga sundalo sa Sitio Sandawagen matapos mag-ulat ang mga magsasaka doon hinggil sa presensya ng mga armadong kalalakihan na nanghihingi sa kanila ng pera at bigas. (May 4, 2025)