Nagtamo ng maselang mga tama ng bala sa katawan ang tatlong dayo sa General Santos City sa Region 12 ng pagbabarilin ng mga armado sa Barangay Labangal sa lungsod nitong gabi ng Sabado, March 1, 2025.
Sa ulat ng General Santos City Police Office nitong Linggo, nasa isang hospital na sina Ferjohn Pogoy, 34-anyos, area manager ng isang kumpanyang dealer ng mga tinapay, Jay Cabahug, 24-anyos, at ang 30-anyos na si Rey Luminogue, matapos silang pagbabarilin ng hindi pa kilalang mga salarin habang nasa isang bahay sa Barangay Labangal.
Pinasok sila ng mga hindi pa nakikilalang mga armado, pinaputukan ng walang habas. Mabilis na nakatakas ang mga bumaril sa kanila.
Ayon sa mga barangay officials at mga police investigators na nag-responde sa insidente, si Pogoy ay taga Cannery area sa Polomolok, South Cotabato habang si Cabahug naman ay mula pa sa Davao City at residente naman ng Barangay Poblacion 1 sa Villanueva, Misamis Oriental si Lominogue.
Wala pang linaw sa mga lokal na kinauukulan kong sino ang mga namaril sa tatlo at kung ano ang kanilang motibo sa pagsagawa ng naturang krimen. (March 2, 2025)