Home » ‘Metallophytes’, itatanim sa Tampakan, South Cotabato

‘Metallophytes’, itatanim sa Tampakan, South Cotabato

Magtutulungan sa loob ng limang taon ang Mines and Geosciences Bureau-12 at isang pribadong unibersidad sa pagpapalago ng hindi pangkaraniwang mga uri ng mga tanim at puno sa Tampakan, South Cotabato na may copper at gold deposits.

Iniulat nitong Sabado at Linggo ng mga himpilan ng radyo sa Central Mindanao na katuwang ng MGB-12 at ng University of Mindanao (UM) sa Davao City ang Sagittarius Mines Incorporated (SMI) sa naturang proyekto na naglalayong makapagtanim ng “metallophytes” na uri mga puno at tanim na siyang angkop sa mga lupa sa Tampakan na may metal deposits.

Kinontrata ng Malacañang ang SMI na mag-operate ng Tampakan Copper-Gold Project sa Tampakan simula sa susunod na taon. Ang kumpanya ay tutulong sa proyektong “Trial Planting of Forest Tree Species Inoculated with Mycorrhiza in SMI Copper-Gold Environment” na tatagal ng limang taon.

Ayon kay UM researcher Doctor Charlyn Gorgonio, ang Mycorrhiza ay mula sa fungus na nasa metallophytes na mga tanim at puno na siyang pinaka-angkop para sa mga lugar na may mga metal deposits sa ilalim ng lupa.

Nagpahayag na ng suporta sa proyekto ang mga Blaan tribal leaders sa Tampakan, isa sa kanila si Domingo Collado, na kanilang representatibo sa kanilang Sangguniang Bayan. Sila ay lumagda sa isang free and prior consent para sa pagsasagawa ng SMI at ng gobyerno ng Tampakan-Copper Gold Project.

Ayon kay Gorgonio at mga opisyal ng MGB-12, ang kanilang layuning magparami ng mga metallophytes sa Tampakan ay tulong sa joint environment-protection program ng SMI at ng Department of Environment and Natural Resources-12 kaugnay ng nakatakda ng pag-mina nito ng copper at gold sa Tampakan batay sa pahintulot ng Malacañang at ng Blaan tribal council sa naturang bayan. (February 17, 2025)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *