Home » 4 patay, 13 sugatan sa General Santos highway accident

4 patay, 13 sugatan sa General Santos highway accident

Apat katao ang agad na namatay habang 13 na iba pa ang nagtamo ng malubang mga sugat at pasa sa katawan sanhi ng salpukan ng isang passenger van at pick-up truck sa Barangay Apopong sa General Santos City nitong Linggo, February 16, 2025.

Kinumpirma nitong Lunes ng mga opisyal ng General Santos City Police Office at ni Brig. Gen. Arnold Ardiente, director ng Police Regional Office-12, ang pagkasawi sa insidente ni van driver Rasol Angkob Adam, 56-anyos, at ng kanyang mga pasaherong sina Mambai Adam Dimaraw, 66-anyos, Mona Butuan Salilaguia, 62-anyos, at ang 30-anyos na si Bai Intan Abdullah.

Sa inisyal na ulat ng mga imbestigador ng General Santos City police at ng mga barangay officials na nag-responde sa insidente, nasalpok ng van na patungong Cotabato City, may plakang NDC 5940, ang Mitsubishi pick-up truck ng bigla itong lumihis at nagawi sa kaliwang linya ng highway sa Barangay Apopong.

Nagtamo ng maselang mga sugat at mga pasa sa katawan ang driver ng pick-up truck na may plakang LAM 1506, si Harvey Ngalon Collado, 36-anyos, at ang kanyang apat na kasama na lahat kanyang mga malapit na mga kamag-anak. Sila ay ginagamot na sa isang hospital sa General Santos City.

Ayon sa mga opisyal ng General Santos City Disaster Risk Reduction and Management Office, walong mga pasahero ng van na mga residente ng Cotabato City na nagtamo ng serious injuries ang naisugod din sa mga hospital na hindi kalayuan sa kung saan naganap ang aksidente. (February 17, 2025)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *