Home » Paghihigante, posibleng motibo sa Cotabato ambush

Paghihigante, posibleng motibo sa Cotabato ambush

Inaalam na ng pulisya kung ang pagkakapatay sa ambush sa Kabacan, Cotabato ng manager ng isang bus company at kanyang kabiyak ay konektado sa kanyang pag-terminate ng mga tauhan na kumukupit ng mga kita ng kanilang mga sasakyang pampasahero.

Sakay ng isang Toyota Fortuner si Armando Yap Lu at ang misis niyang si Marilyn ng tambangan ng mga armadong mga kalalakihan sa isang bahagi ng highway sa Barangay Kayaga sa Kabacan nitong Lunes na nagsanhi ng kanilang agarang kamatayan.

Kinumpirma nitong Miyerkules ng mga opisyal ng Kabacan Municipal Police Station at ni Col. Gilbert Tuzon, Cotabato provincial police director, na may mga impormanteng nagpaabot sa kanila ng impormasyon na posibleng may kinalaman sa naturang pananambang ang mga bus conductors at ticket inspectors na tinanggal ni Lu sa kumpanya dahil sa mga iregularidad sa paghawak ng mga kita ng kanilang mga units.

Nag-alok na ng cash incentive si Cotabato Gov. Emmylou Taliño-Mendoza sa sinumang makakatulong sa mga imbestigador ng Kabacan municipal police sa pagkilala kung sino ang mga responsable sa pag-ambush sa dalawang mga biktimang nadeklarang dead on arrival ng mga doctor sa isang hospital kung saan sila dinala ng mga emergency responders para malapatan sana ng lunas. (February 12, 2025)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *