
Nasamsam ng mga pulis ang P3.4 million na halaga ng shabu sa isang dealer na nalambat sa Barangay Kabuntalan sa Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte nitong hapon ng Miyerkules.
Sa pahayag nitong Huwebes ni Brig. Gen. Romeo Juan Macapaz, director ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, nakapiit na sa isang detention facility si Lolo Sakilan Ali, na residente ng Barangay Tugal sa Talitay, Maguindanao del Norte.
Ayon kay Macapaz, agad na inaresto si Ali ng mga kasapi ng Sultan Kudarat Municipal Police Station, pinamumunuan ni Lt. Col. Esmael Madin, at mga operatiba ng Maguindanao del Norte Provincial Police Office matapos silang bentahan ng kalahating kilong shabu, nagkakahalaga ng P3.4 million, sa isang operasyong nailatag sa tulong ng mga barangay officials at mga impormanteng alam ang kanyang illegal na gawain.
Nakumpiska din nila Madin ang motorsiklong Suzuki Raider 125 na gamit ni Ali sa paghatid ng shabu sa mga contacts sa ibat-ibang bayan sa Maguindanao del Norte at mga karatig na mga barangay sa Cotabato City.