Natagpuang palutang-lutang nitong Sabado, July 6, 2024, sa dagat malapit sa Bongo Island sa Parang, Maguindanao de Norte ang isang 22-anyos na criminology student na dinukot sa Cotabato City nitong Miyerkules, tatlong araw bago nakita ng isang mangingisda ang kanyang bangkay, tadtad ng saksak.

Ayon sa mga kamag-anak ng biktimang si Bainary Embel Mohammad Dabpil, nagawa pa niyang tumawag sa kanila at sinabing dinukot siya, pinasakay sa isang van, habang patungo sa Cotabato City plaza, ngunit naputol ang kanyang tawag sa cellphone dahil mistulang naagaw ito sa kanya ng kanyang mga abductors.

Sa inisyal na pahayag ng Maguindanao del Norte Provincial Police Office, natagpuang palutang-lutang sa dagat ang bangkay ni Dabpil, taga Barangay Meti sa Datu Blah Sinsuat, Maguindanao del Norte, ng mangingisdang Esmail ang pangalan.

Sa mga hiwalay na ulat ng Parang Municipal Police Station at Maguindanao del Norte PPO, wala ng damit pang-itaas si Dabpil, maraming tama ng saksak ang katawan. May theorya ang mga imbestigador na posible diumanong ginahasa muna si Dabpil bago pinatay at itinapon sa dagat. (July 7, 2024)

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *