COTABATO CITY (Sept. 5, 2025) — Karagdagang walo pang mga miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters ang sumuko at nanumpa ng katapatan sa pamahalaan sa isang seremonyang ginanap nitong Huwebes sa Barangay Kabengi sa Datu Saudi Ampatuan, Maguindanao del Sur.
Iniulat nitong Biyernes ni Major Gen. Donald Gumiran, commander ng 6th Infantry Division, na ang walong mga miyembro ng BIFF ay unang ipinakustodiya ang kanilang mga combat weapons at improvised explosive devices sa 90th Infantry Battalion bago nangakong magbabagong buhay na sa harap ng mga Army officials at mga local executives na dumalo sa naturang surrender rite sa 90th IB headquarters sa Barangay Kabengi sa Datu Saudi Ampatuan.
Ayon kay Gumiran, nagtulungan ang mga opisyal ng 90th IB, sa pangunguna ng kanilang commanding officer na si Lt. Col. Luqui Marco, at ang commander ng 601st Infantry Brigade, si Brig. Gen Edgar Catu, at mga local government officials sa Datu Saudi Ampatuan at sa iba pang mga bayan sa Maguindanao del Sur sa paghikayat sa walong mga violent religious extremists na lumantad upang matulungan sila ng 6th ID at ibat-ibang mga ahensya ng pamahalaan na makabalik na sa kani-kanilang mga pamilya.
Sa mga hiwalay na ulat ni Marco at Catu, binigyan ni Datu Saudi Ampatuan Mayor Bassir Banjo Utto at ng mga representatibo ng Ministry of Public Order and Safety-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao ng inisyal na cash assistance at food supplies ang walong sumukong BIFF members na kanilang kakailanganin sa kanilang pagbalik sa kani-kanilang mga barangay.
Abot na ng 1,712 na mga miyembro ng BIFF at kaalyado nitong Dawlah Islamiya, parehong naghahasik ng galit sa mga hindi Muslim at responsable sa mga pambobomba sa Central Mindanao mula 2014, ang sumuko sa mga units ng 6th ID at ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region nito lang nakalipas na tatlong taon.
Makikita sa larawan ang makahulugang pag-suko sa mayor ng Datu Saudi Ampatuan at kay Catu, na sakop ang mga Army units sa Maguindanao del Sur, ng isang B40 anti-tank rocket launcher ng isa sa walong mga BIFF terrorists na lumantad at nangakong igagalang na ang pamahalaan upang muling makapiling ang kanilang mga pamilya.