Tuluyan ng napalitan, matapos ang mahigit na limang dekada, ang liderato sa bayan ng Datu Odin Sinsuat sa Maguindanao del Norte sa naganap na panunumpa sa katungkulan ng mga bagong halal ng local executives nito sa harap ng isang Regional Trial Court judge sa Cotabato City nitong Huwebes, May 29, 2025.

Tinalo nitong May 12, 2025 elections nila mayor-elect Abdulmain Abas at vice-mayor-elect Bobsteel Sinsuat ang reelectionist mayor ng Datu Odin Sinsuat na si Lester Sinsuat at ang kanyang running mate, si reelectionist Sajid Sinsuat, na ang angkan ang siyang namuno sa naturang bayan mula ng maitatag ito bilang chartered municipality noong 1957.

Sinamahan ng bagong nahalal na vice governor ng Maguindanao del Norte, si Marshall Ibrahim Sinsuat, at ng kanyang kabiyak, si Raida Tomawis-Sinsuat, na nahalal din na mayor ng Datu Blah Sinsuat sa Maguindanao del Norte, ang bagong mga local officials sa Datu Odin Sinsuat sa kanilang panunumpa ng katungkulan sa harap ni Judge Anabelle Piang, presiding judge ng RTC Branch 15 sa Cotabato City nitong hapon ng Huwebes.

Kabilang sa dumalo sa naturang seremonya ang mga bagong halal na municipal councilors ng Datu Odin Sinsuat na sina Rahib Diocolano, Datu Uga Sinsuat Abas, Bai Sophia Abas, Bai Zheng Druz Ali, Teodoro Moinggit at Sorab Lumanggal.

Sila at ang bagong mayor at vice mayor ng Datu Odin Sinsuat ay mga kasapi ng United Bangsamoro Justice Party ng Moro Islamic Liberation Front.

Sa mga hiwalay na pahayag matapos ang seremonya sa loob mismo ng korte, nagpasalamat sina Mayor Abas, si Vice Mayor Sinsuat at ang bagong halal na si Maguindanao del Norte Vice Gov. Sinsuat sa lahat ng mga sumuporta sa mga kandidato ng UBPJ sa ibat-ibang elective positions sa Datu Odin Sinsuat na, matapos ang halos 60 na mga taon, ay nagkaroon na rin ng bagong municipal leadership. (May 30, 2025)