Karagdagang apat pa na mga kasapi ng mahina ng Dawlah Islamiya ang sumuko sa 33rd Infantry Battalion sa isang seremonyang ginanap sa Radjah Buayan sa Maguindanao del Sur nitong Huwebes, October 9, 2025.

Unang ipinakustodiya ng apat na mga miyembro ng Dawlah Islamiya ang kanilang mga improvised explosive devices at mga combat rifles sa mga officials ng 33rd Infantry Battalion bago sila nanumpa ng katapatan sa pamahalaan sa harap ng mga Army officials at mga local executives na nagtulungan sa paghikayat sa kanilang magbagong buhay na.

Ang dalawa sa apat na mga sumukong violent religious extremists, sina Kadir Mursid at Ali Sainudin ay bihasa sa paggawa ng mga IED gamit ang ammonium nitrate, o potassium chlorate bilang blasting charges, at maaaring pasabugin sa malayo gamit mga mobile phones.

Iniulat nitong Biyernes ni Major Gen. Donald Gumiran, commander ng 6th Infantry Division, na pumayag na sumuko ang apat na mga local terrorists sa magkatuwang na pakiusap ng mga local executives, ni Lt. Col. Germen Legada na siyang commanding officer ng 33rd IB at ni Brig. Gen. Edgar Catu, commander ng 601st Infantry Brigade.

Tumanggap ng inisyal na ayudang mga bigas at cash ang apat na sumukong mga Dawlah Islamiya members mula sa mga local officials ng Radjah Buayan, Mamasapano at Shariff Aguak na kanilang babaunin sa pag-uwi sa kani-kanilang mga lugar.

Silang apat na tumiwalag na sa Dawlah Islamiya ay umamin sa kanilang ginawang sapilitang pangingikil ng pera sa mga negosyante sa Maguindanao del Sur at mga may-ari ng mga sasakyang pampasahero sa iba’t-ibang bayan sa probinsya ayon sa kautusan ng kanilang mga commanders na mga wanted sa iba’t-ibang mga high-profile criminal cases na nakabinbin sa iba’t ibang mga korte sa Central Mindanao.

Abot na ng 1,209 na na mga kasapi ng parehong mahina ng Dawlah Islamiya at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters ang sumuko sa ibat-ibang units ng 6th ID sa Central Mindanao mula 2019.

Ang naturang mga dating terorista ay namumuhay na ng tahimik kapiling ang kanilang mga pamilya matapos maibalik sa local communities sa pagtutulungan ng mga local government units, ng mga government agencies sa Region 12 at ng regional government ng Bangsamoro region.

Makikita sa larawan ang commander ng 601st Infantry Brigade na si Catu, at ang isa sa apat na mga sumukong violent religious extremists. (October 10, 2025, Radjah Buayan, Maguindanao del Sur, Bangsamoro Region)