Apat katao, kabilang ang isang Grade 3 pupil, ang patay at tatlong iba pa ang sugatan sa pamamaril nitong hapon ng Lunes, May 26, 2025, sa Barangay Ladia sa Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte.
Kinumpirma ng Sultan Kudarat Municipal Police Station ang pagkasawi sa insidente nila Kadir Indao, ang 10-anyos na batang babaeng si Rohana Indao, at mga kamag-anak nilang sina Basit Gampong at Mokaram Sarat.
Sugatan sa insidente ang magkapatid na sina Rohamin at Hashim Omar and si Noria Indao na agad naman isinugod sa hospital upang malapatan ng lunas.
Sa ulat ni Lt. Col. Esmael Madin, Sultan Kudarat police chief, nasa kanilang magkalapit na bakuran ang mga biktima ng may dumating na mga lalaking sakay ng isang minivan at agad silang pinagbabaril ng mga assault rifles.
Mabilis na nakatakas ang mga salarin, ayon sa mga saksi. Inaalam pa ng pulisya kung sino ang mga responsable sa naturang pamamaslang at kung ano ang kanilang motibo sa pagsagawa ng naturang krimen. (MAY 26, 2025)
