Tatlong kasapi ng New People’s Army at isang sundalo ang nasawi sa isang engkwentro sa Barangay Datu Ito Andong sa bayan ng Kalamansig sa Sultan Kudarat nitong Madaling araw ng Huwebes, June 19, 2025.

Sa ulat nitong Biyernes ng mga local officials at ng mga pinuno ng mga etnikong grupo sa Kalamansig, sumiklab ang engkwentro ng paputukan ng mga NPA ang mga tropa ng 37th Infantry Battalion na ipinadala sa isang liblib na lugar sa Barangay Datu Ito Andong matapos mag-ulat ang mga residente hinggil sa kanilang presensya at sapilitang panghihingi ng pera sa mga magsasaka.

Kanila ding kinumpirma na ang dalawang mga guerilla na napatay ng mga sundalo, sina Brix Alison at Tom Sales, ay may mga mataas na katungkulan sa Sub-Regional Committee-Daguma Area at Regional Sentro de Gravidad ng NPA at isang platoon medic naman ang kasama nilang nasawi sa insidente na si Myca Bunsing.

Ayon kay Lt. Col. Christopherson Capuyan, commanding officer ng 37th IB, isa sa kanyang mga tauhan na kasama sa grupong pinadala sa Barangay Datu Ito Andong ang nasawi sa kanilang palitan ng putok sa mga teroristang NPA.

Mismong mga residente ng naturang barangay na matagal ng nagrereklamo sa pangingikil sa kanila ng pera ng ilang natitira pang mga miyembro NPA ang nagsuplong sa presensya sa kanilang lugar ng tatlong mga napaslang ng mga kasapi ng 37th IB sa engkwentro nitong madaling araw ng Huwebes.

Magkahiwalay na iniulat nila Brig. Gen. Michael Santos, commander ng 603rd Infantry Brigade, at ni Major Gen. Donald Gumiran, na siyang namumuno ng 6th Infantry Division, na nasamsam ng mga tropa ng 37th IB ang apat na M16 rifles at mga pampasabog na kanilang natagpuan sa tabi ng mga bangkay ng tatlong napatay na mga NPA.

Nanawagan sina Santos at Gumiran sa ilang mga nalalabi pang mga kasapi ng NPA sa Sultan Kudarat at iba pang mga probinsya sa Central Mindanao na lumantad na at sumailalim sa regional reconciliation program ng 6th ID para sa kanilang teroristang grupo. (June 20, 2025)