Karagdagang 299 pa na mga residente ng Special Geographic Area ang nagamot sa panibagong magkatuwang na medical mission ng isang doctor sa Bangsamoro parliament, ng public service team ng isang pribadong pagamutan at ng Ministry of Health-Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao nitong Lunes, September 15, 2025.

Sakop ng Special Geographic Area, mas kilala na SGA, ang walong mga bagong tatag na bayan na saklaw ng regional government ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, ngunit nasa teritoryo ng Cotabato, isa sa apat na mga probinsya sa Administrative Region 12.

Mismong mga local officials sa Malidegao, isa sa walong bagong tatag na municipalities ng BARMM sa Special Geographic Area, ang nag-ulat nitong Martes, September 16, na abot sa 299 na mga residente ng Barangay Batulawan na sakop nila ang naka-benepisyo sa medical mission ng grupo ni Member of Parliament Kadil Sinolinding, Jr., na kasalukuyang health minister din ng Bangsamoro region.

Sa mga hiwalay na pahayag, pinasalamatan nila Malidegao Mayor Arnal Timan at ni Barangay Batulawan Chairman Loy Datugan si Sinolinding, isang physician-ophthalmologist, sa kanilang medical mission sa naturang lugar kung saan 32 na mga residente na may mga cataract at pterygium ang mga mata ang nasuri ng libre at itinakda operahan para lubusang gumaling.

Nagtulungan sa naturang medical mission ang tanggapan ni Sinolinding sa regional parliament, ang humanitarian team ng Deseret Surgimed Hospital sa Kabacan, Cotabato, ang tanggapan ni Bangsamoro Chief Minister Abdulrauf Macacua, ang MoH-BARMM at mga peace-advocacy groups na tumutulong sa pagpapalaganap ng kapayapaan at sustainable development sa Special Geographic Area.

Sa tala ng mga barangay officials sa Batulawan at ng medical outreach group na nagsagawa ng naturang humanitarian activity, 93 na mga residenteng mahirap ang sumailalim sa eye screening at 70 sa kanila ang nabigyan ng libreng reading glasses.

Ayon sa mga barangay officials, 69 na iba pa ang nasuri at nabigyan ng mga gamot para sa kanilang mga karamdaman at may 13 na iba pa ang nakatakda na magpa Xray na isasagawa ng medical mission team ni Sinolinding sa isang ospital.

May 14 din na mga residente ng Batulawan ang nasuri ang dugo upang mabatid ang kanilang health condition, ayon sa mga barangay officials na tumulong sa pagsagawa ng naturang medical mission. (September 16, 2025, Malidegao, Cotabato Province)