Mas pinaigting pa ang implementasyon ng gun ban sa Bangsamoro region matapos masawi sa pamamaril ang 25 katao sa mga lugar na sakop nito mula ng ipatupad nitong January 12 ang naturang regulasyon ng Commission on Elections.
Sakop ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao ang mga probinsya ng Maguindanao del Sur, Maguindanao del Norte, Lanao del Sur, Basilan, kung saan ang pagkakaroon ng mga baril ay “status symbol” at, para sa mga pamilyang sangkot sa “rido,” o clan war sa wikang English, proteksyon sa mga kalaban.
Sa tala ng tanggapan ni Brig. Gen. Romeo Juan Macapaz, director ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region, abot na sa 25 ang napatay sa mga insidente ng pamamaril sa BARMM mula January 12 hangang nitong gabi ng Huwebes.
Ayon kay Macapaz, magtutulungan ang lahat ng mga unit ng PRO-BAR at ang Western Mindanao Command na pinamumunuan ni Lt. Gen. Antonio Nafarrete sa pagpapalawig ng implementasyon ng Comelec gun ban sa BARMM.
Ang pinakahuling napatay sa pamamaril sa BARMM ay ang 52-anyos na negosyanteng si Abdulrasa Saidde Madiza, biktima ng ambush sa Barangay Malinis sa Lamitan City sa Basilan nitong gabi ng Huwebes.
Sakay ng kanyang motorsiklo si Madiza, pauwi na sana sa kanila sa Barangay Limook sa Lamitan City ng tambangan ng mga armadong kalalakihan na mabilis na nakatakas matapos mapatay ang biktima. (January 30, 2025)